Wednesday, August 4, 2010

BALIKBAYAN BOX

Pang apat na araw ko na ngayon mula nung bumalik ako dito sa lupa ng mga Emirati halos nasasanay na ako sa init ng panahon na tila nakakaagnas ng balat pag ikaw ay naglalakad ng matagal sa labas. Ramdam ko pa rin ang kalungkutan hanggang ngayon kahit binabaling ko ang aking atensyon sa ibang bagay tulad ng pag focus sa pagtatrabaho, magbutingting ng dreadlocks, magbilang buhangin at maghabol ng camel gaya ng sinabi ng ating sinusundang si Super Balentong. Ngunit ito ang buhay na pinili ko, ang makapagtrabaho sa ibang lugar para sa kinabukasan. Ang nararamdaman ko ngayon ay kasama lang sa naging desisyon ko kaya kailangan tatagan ang kalooban.

Pero kahit piliting mong hindi matablan ng kalungkutan kahit sinong magaling na tao kung may nararamdaman ay maaninag ito sa mukha at mga mata. At napakarami ring mga bagay at pangyayaring magudyok sayo para tamaan ka ng lungkot. Tulad nalang sa pangyayari ngayon hapon, masaya akong naglalakad sa kalsada papauwi sa tinutuluyang bahay. Masaya dala ng pinapakinggang mga tugtugin ng ating hinahangaang si Bob Marley, kulang na lang ay iindak ako sa bawat nota ng musikang reggae. At dahil sa sobrang init ay naisipan kong magpalamig muna sa City Center at magtingin tingin muna ng mga magaganda at seksing babae sale na laptop at telepono.

Habang naglalakad ako may naispatan akong grupo ng mga emirati na may dalang camera at mic. Naisip ko, syet! pagkakataon ko na tong maexpose ulit sa TV magiging artista na ako nito sisikat ako at pagkakaguluhan ng mga kakabaihan tulad ni Dingdong at ni Derek pero naisip ko putek niloloko ko lang sarili ko sa pinag-iisip ko. Pinagmamasdan ko lang ang grupo ng mga Emirati na yun habang kinukuhanan nila yung mga bagong laptop sa isang tindahan pero sinamantala ko na ang pagkakataon tutal naman nadoon na ako kunyari tumitingin rin ako sa mga paninda para pagpihit ng camera mahagip man lang. Pero nagkamali ako sa aking inaakala, nung lumagpas ang camera sakin nasilip ko yung monitor di papala nakarecord praktis palang pala yung ginagawa nila wala pang take. Minsan lang eh ayaw pa pagbigyan tsk!tsk!tsk! parang sinakloban ako ng mundo sa katotohanan na talagang di ako pang TV.

Pagdating ko sa bahay napanuod ko na naman yung bagong programang ipinalit sa Wowowee, si idol Robin na naman ang nandoon habang nagpapasikat sa kanya ang mga naggagandahan at nagseseksihang dilag. Nakaenjoy sila panuorin habang iniimagine kong mga kapatid ko sila at tinutulungan sa kanilang pag-aral. Nasira ang pag iimagine ko ng mga magandang bagay ng walang kamunduhan (promise wala talagang kamunduhan totoo yun iniisip ko mga kapatid ko lang sila)ng biglang may kumatok sa pintuan. Akala ko may nagpadeliver lang ng pagkain katulad ng kinakagawian. Lumabas ang kasama ko sa bahay sa kabilang kwarto at binuksan ang pinto. Nang nakabukas na ang pinto bumungad sakin ang Balikbayan Box ng isang kilalang courier yung may tagline na YARI ANG PADALA ba yun?. Dito na nagumpisang balutin ng kalungkutan ang naramdaman kong kasiyahan.

Biglang nagplay sa utak ko yung kanta Eraserheads na Balikbayan Box at palakas ng palakas ang kabog ng aking puso. Ang bigat sa pakiramdam habang pinagmamasdan ko ang box pero nagawa ko pa ring mapatawa ang sarili ng maisip ko yung linyang madalas kong binabanggit "KUNG KAYA LANG ILAGAY SA BOX ANG STRESS, SAMA NG LOOB AT HOMESICK TIYAK MAKAKAPUNO AKO NG LAGPAS LABINDALAWANG BOX". Gayunpaman nandoon pa rin ang kalungkutan lalo ng sumagi sa utak ko na kaarawan ngayon ni tatay. Pinangakuan ko kasi siya noon na bilhan ng mga pantalon at damit bago ako umuwi pero hindi ito natupad. Kilala ko si papa di naman makitid ang pag-iisip nya para magtampo ng dahil lang doon. Ngunit bilang isang isang anak nahahabag rin ako dahil sa pangako ko sa kanya kahit mga materyal na bagay lang iyon. May pruweba pa naman sa pangako kong yun kay tatay kaya lalo akong nahabag ng nakita ko ang binili kong box isang taon na ang nakaraan ngunit hanggang nayon hindi pa rin ito nakaassemble. Nakatatlong beses ng nagpabagahe ang mga kasama ko sa bahay nitong taon na to pero yung box ko nakatupi pa rin.

Alam kong matutuwa ang pamilya ko lalo na ang tatay ko pagnakatanggap ng pasalubong galing ibang bansa na galing sakin na sila mismo ang magbubukas ng ng Balikbayan Box. Pero mas matutuwa ang buong pamilya ko pag tinupad ko yung pakiusap nila sakin na magpakatino na sa buhay. Pagbabago sa aking sarili ang hinahangad ng buong pamilya ko sakin at hindi ang mga materyal na bagay.

2 comments:

Anonymous said...

Happy b-day sa tatay mo sir! makakabawi ka rin sa kanya im sure!

Grabe naman kung kailan pagkakataon mo nang maging star kahit hagip-camera lang e napurnada pa!
Pero ok lang yan bossing! hehe

Ako meron na akong balikbayan box dito inuutay utay kong punuin para sakto sa december ko papadala..

\m/BlogenRoll bossing!

krn said...

hirap siguro ng ganyan... kalaban ang homesick at lungkot.

maligayang kaarawan na lang sa iyong tatay.