Thursday, August 26, 2010

SA IYONG PAGLISAN

Mahigit dalawang buwan na ang nakakalipas pero sariwa pa rin ang sugat, ramdam pa rin ang sakit sa iyong paglisan, paglisan na ni kailanman ay hindi na muling masisilayan. Palagi pa rin bumabalik sa aking alaala ang lahat ng pangyayari. Masakit di lang sa'kin kundi pati sa buong pamilya lalo sa mama at tita mo. Binigyan mo ng buhay ang buong bahay simula nung ikaw ay dumating. Ngunit ikaw pala ay sadyang saglit lang pinahiram sa amin para ituwid ang mga pagkakamali, pero bakit ikaw ang kailangan lumisan? Pwedeng naman andito ka lang kasama namen at ituwid ang ang pagkakamali at sabay tuparin ang mga plano sa buhay.

Tandang tanda ko pa nun, isang araw bago ang masakit na pangyayaring yun. Pumunta ako sa isang kaibigan upang i-repair ang dreadlocks nya. Nakasanayan ko itong gawin tuwing katapusan ng buwan upang manatiling maayos ang kanyang buhok. Masaya kaming nagkukwentuhan kasama ang mga pinsan nya habang kinakalikot ang dreadlocks may konting toma rin para lalong sumaya ang session. Inabot ng gabi at di pa rin natapos ayusin ang dreadlocks kaya napagpasyahan nameng kinabukasan nalang ituloy ang session. Habang nagpapahinga naisipang kong magbrowse sa internet at mag youtube> May nagtulak sa akin na hanapin ang mga "RnB" na mga awitin (Reggae na Bisaya). Pero di ko alam sa anong kadahilanan pero mas may nagtulak sakin i-play ang "Fireflies" ng isa sa hinahangaang bandang Hemp Republic, may hipnotismo para sakin ang kantang ito dahil na rin sa gandang ng beat at ng basslines nito. Napadami na ang mga kantang napanuod at napakinggan ko kaya napagpasyahan kong lumagok ulit ng beer upang dalawin ng antok.

Habang nagmumuni muni at lumalagok ng beer nakatanggap ako ng tawag galing sa Pilipinas, si nanay ang nasa kabilang linya at naghayag ng mga hinaing nya tungkol sa isa pang pangagrabyado ko sa isang buhay na iniwan ko. Habang kausap ko si nanay ay na naririnig ko ang boses ng aking munting anghel na tumatawa. Tawa na madalas kong nadidinig sa tuwing tumatawag sa akin kahit sino man sa pamilya. Tawa na sa telepono ko pa lang nadidinig at hindi pa nasisilayan ng personal mula nung siya ay isinilang. Tawa na sa tagpong iyon ay ang huling tawa na maririnig ko mula sa kanya.

Kinabukasan, (June 1) nagising ako dahil sa sikat ng araw dahil nakalihis pala ang kurtina ng bintana. Masaya ang gising ko nung umagang yun may ngiti sa mga labi, nag unat at binati ang sarili ng magandang umaga at binigkas ang katagang Ohhhh June 1 what's in store for me today? Gising na rin ang tropa at nag yayang magkape, nagyosi at inumpisahan ulit ang session ng pagdreadlocks hanggang sa matapos ito. Natapos ang session at napagpasyahan ng aking kaibigan na ihatid nalang ako sa bahay para hindi na gumastos ng pamasahe. Bago ako hinatid dumaan muna kami sa opisina nya at kinuha ang schedule ng trabahong gagawin sa araw na yun.

Masaya kaming nagkukwentuhan sa sasakyan at tinawagan namin ang isang tropa at kinakamusta sa bago nyang napasukang trabaho. Mismong tagpong yun nakatanggap ako ng tawag galing sa Pilipinas, Si irog ang nasa kabilang linya umiiyak habang binibigkas ang katagang "daddy, sorry wala na si baby". Para akong sinakluban ng mundo sa balitang yun. Alam kong hindi nagbibiro si irog ng ganun. Gusto kong tumalon sa sasakyan ng mga oras na na yun wala na ako sa katinuan dahil sa narinig. Pinapakalma akong ng aking kaibigan pero nangingibabaw pa rin ang sakit ng aking nararamdaman.

Masakit ang nangyari dahil ni mnsan di ko man lang naransang makarga ang anak, hindi narinig ang unang iyak, hindi nasilayan ang una nyang ngiti, hindi nakita ang unang ngiping tumubo. Lahat ng pinangarap at dapat maransan ng isang ama ay di ko man lang naranasan sa kanya ganun din sya sakin. Lumisan siyang di nangyari samin ang ganung tagpo bilang mag ama. Alam ko kailangan tanggapin ito, pero habang nilalabanan ko na wag magpadala sa emosyon, dumadami ang mga bagay bagay ang pumapasok sa aking isipan. Kasama na dun ang panghihinayang at pagsisisi sa mga naging desisyong ko sa buhay. Mga bagay bagay na aking nagawa at di ko nagawa. Aminado akong masyado akong nagpatihulog at nilamon ng sistema ng buhay ko kaya binawi agad ang munting anghel. Kagustuhan ng nasa itaas ang nangyari, kinalabit lang siguro ako upang magising na at ituwid ang nalihis na buhay.

Tuesday, August 17, 2010

NABABALIW NA ANG PAYASO

Isang mabilisang post, isang kanta na naging patok at theme song ng buhay ko nung ako'y nag umpisang mamulat sa tunay na mundo. At ngayon, muli ko na namang gagamitin ang kantang ito sa aking buhay. Mabuhay ang AIZO sa paglikha ng awiting ito



Sinabi mo noon, hindi na babalik ang kahapon
Ngunit bakit ngayon nandirito pa rin

Sinabi niya sa akin, sagabal lang ang damdamin
Ang magmamahal ay mahina din
Sagot ba ang kamatayan sa lahat ng katanungan
Ang paningin niya, ngayo'y dumidilim
Kung diyos mo'y makasalanan,
Sasambitin pa ba ang kanyang ngalan
Paniniwala niya'y nawala na rin
Kung dati ang problema'y saglit lamang
Nagayon ito'y mahirap kalimutan
Pag-iisip niya'y naging malabo na rin

Nawala na ang kinang at ang kasiyahan
Ang ngiti sa mukha ay nakalimutan
Nagunaw na lahat sa kanyang mundo
Kaya nagayon ay, nababaliw na ang payaso

Ang mundo niya ay isang teatro
Buhay niya ay isang entablado
Pero ang payaso ay tao pa rin
Sa kaliwa ang hawak niya'y baraha
Sa kanan tangan niya'y gitara
Nag-iisip kung alin ang uunahin niya
Noo'y nagpapatawa ang payaso
Walang pakialam kahit magago
Pero bakit naging sensitibo na rin
Wala mang bahid ng kalungkutan
Pero huwad naman ang kasiyahan
Siya'y punong-puno ng tuwa't pighati

La,la,la,la,la,lalalala...

Lagi mo na lang sinasalo
Ang lahat ng aking ibinabato
Pagharap ko sa salamin
Nandoon ang payaso't nakatingin sa akin

Ano na ba ang kahahantungan
Ng payasong anonimo na sa lipunan
Hindi na maibabalik pa ang kahapon
Ang payaso noon ay hindi na ngayon
Wala na siyang pakiramdam
Wala na siyang pakialam
Wala na siyang tatakbuhan
Poot at galit ang nararamdaman

Nawala na ang kinang at ang kasiyahan
Ang ngiti ay napawi ng kalungkutan
Ako ang payaso, ang payaso ay ako
Pero 'di ko alam, nababaliw na ang payaso

Nababaliw na ang payaso...
Nababaliw...nababaliw...
Nababaliw na ang payaso

Thursday, August 12, 2010

ANG SUGAT SA PUSO SA NAGING PUSO NG LAHAT

likha ni Carol Javier

ang pagluluksa ay walang bilang kung hanggang kelan
walang sukatan kung hanggang san o anung paraan
hindi lang ito sa dahilang ako ay nawalan
pati rin sa karapatang tawagin akong magulang.

ito'y paglalakbay sa napakalungkot na daan
malubak at matinik ang aking daraanan
ang tumigil o umiwas kung panu ay 'di ko alam
pagkat ang sakit nasa dibdib wala sa talampakan.

isang bagay sa buhay ang sumunod na nangyari
pilitin man na dun ibuhos ang lahat ng sisi
alam ko naman na ito'y mali sa aking sarili
at ako, sa akin ang malaking pagkakamali.

Friday, August 6, 2010

MAGBAGO KA NA!

Sa Pilipinas, ang Linggo ay araw ng pagtatagpo ng mga magkakaibigan na galing sa probincya na napadpad sa Maynila. Kasamabahay man o regular na empleyado eto kasi ang araw na DAYOFF kung tawagin. Masayahang nagkakamustahan at nagkuwentuhan yung iba matagal ng hindi nagkikita at yung iba naman ay gawain na nila yun tuwing Linggo. Maliban sa mga magkakaibigan eto rin ang pagkakataon ng mga nag-iibigan. Marami akong nakikitang ganitong eksena sa Luneta at Baclaran. Sa Luneta kung gusto ng magpiktyuran at gustong magpicnic sa Baclaran naman gusto magdasal muna dahil may gagawin silang kasalanan (walking distance lang naman kasi sa Baclaran ang lugar sa Pasay na kung saan madalas ang lindol pag araw ng mga PUSOD este PUSO). Ito kasing dalawang nabanggit na lugar na ito ang pinakamadaling hagilapin kung ikaw ay mapadpad ng Maynila kaya dito nila naisipang magtagpo.

Ang ganong tagpo sa Pilipinas ay mahahalintulad ko naman sa mga nakagawian na ng mga kababayan nating OFW dito sa UAE. Ang kaibahan lang ay ginagawa eto sa araw ng Byernes. At madalas akong nakakakita ng mga magkakaibigan magkasamang magsimba sa araw na nabanggit pero malamang yung iba siguro piniling sa mga mall magtagpo dahil dala na rin siguro sa init ng katawan panahon rito. Maganda kasi ang mall rito mga pang laking aircon ang dating pero dating lang yun kaya siguro yung iba sa amin ay piniling doon nalang magkita. Pero yung iba mas pinipiling sa simbahan nalang dahil pwede silang magdasal muna at pagkatapos ay magkwentuhan hanggang sa magkapalagayan ng loob, patay si mister at misis na naiwan sa Pinas.

Sa simbahan, kung panghuhusga man ito kung tawagin, ay dun ka makakita ng iba't ibang klaseng Pilipino may mukang mayaman at may mukang mayabang at meron namang napakasimply lang. Halo-halong ekspresyon ang iyong makikita sa muka ng mga nagsisimba. Yung iba malungkot, may masaya meron namang tama lang. May taimtim na magdasal meron namang panay ang likon sa mga magaganda at seksing chika babes (di po tayo kasama dun). Sa ibang bansa na kung saan tanging ikaw lang ang makatulong sa iyong sarili ay ginagawa ang pagdadasal bilang parte ng buhay. Maaring ipagdasal di lang ang napiling buhay sa bansang banyaga (na walang kasiguraduhan mejo walang pagkakaiba sa Pilipinas) kung hindi pati na rin ang mga mahal sa buhay na naiwan sa Inang bayan.

Kahapon ay unang Byernes mula nung ako'y muling tumapak sa bansang ito kaya naisipan kong gawin ulit ang kinasanayan (na minsan kong kinalimutan) para di na muling malihis pa ng landas. Pero di ko alam kong natimbrehan ng kasama ko si Father na bumalik na ako dito. Ang una nyang bungad i-greet daw ng magandang hapon ang mga katabi, lumingon ako at ginreet ang mga katabi ko ng maganda pa kayo sa hapon magandang hapon. Nagpatuloy ang misa hanggang sa dumating ang sermon na inaabangan ng lahat sa kadahilanang napakagaling magesplika ni Father komedy na may laman ang bawat binibitawang salita. Ang kanyang example ay tungkol sa isang 80 anyos babae na tumanda ng nanampalataya sa sa Diyos ngunit sa di inaasahang pagkakataon ay nagkasakit ng cancer. Nagdasal ang matanda at sinabi daw nito sa diyos na pagalingin siya dahil simulat sapol ay di naman daw matatawaran ang tiwala nya. Dininnig daw ng diyos ang panalangin nawala ang kanyang cancer at sinabiihan itong mamuhay pa sa loob ng dalawampong taon. Nagpasalamat ang matanda sa nangyari. At dahil sa katandaan inisip nya kung papano magmukhang bata ang matanda nyang itsura. Namili ang matanda kung kanino siya magpapa opera, kay Belo ( na sinabing gusto nyong maging kamukha si Boy Abunda, kay Calayan kayo pumunta pero kung gusto nyong maging kamukha si Dingdong dantes ay sakin kayo magtungo) o kay Calayan. Napagpasyaahan ng matanda na kay Belo na magtungo at nagpaopera hanggang sa magmukha na cyang bata. Natapos ang operasyon ngunit nung pagkalabas nya sa clinic ni Belo ay nasagasaan ito ng rumaragasang sasakyan at namatay. Pagdating sa langit nakasimangot ang matanda at kinausap ang Panginoon, "sabi mo 20 taon pa akong mabubuhay" bigkas ng matanda. Subalit ang sagot sa kanya ng Panginoon ng "Ay ikaw pala yun?"

Akala ko dun matatapos ang mga malalamang example ni Father Serge pero nagkamali ako dahil bago siya nagbigay ng huli niyang basbas sa pagtatapos ng misa ay bumanat pa ng isa, "sabihin nyo sa mga katabi nyo MAGBAGO KA NA" wika ni Father. Hindi ko alam ang aking gagawin sa aking kinakatayuan kung lilingon ba ako o sasabihin ko ang katagang iyon sa aking sarili. Ganun nga ang aking ginawa binolong ko muna sa aking sarili na "tolits magbago ka na ha" bago ako lumingon sa aking katabi pero akmang sasabihan ko na sana ang katabi ko naunahan nya ako sa pagbigkas "KUYA MAGBAGO NA PO KAYO" na may kasamang ngiting pang aasar. Napangiti nalang ako at at bulong sa aking sarili maraming salamat sa iyong paalala.

Lumabas ako ng simbahan na may ngiti sa aking mga labi at panay rewind ng mga nakakatawa ngunit malaman na mga kataga na aking narinig sa loob ng simbahan.

Wednesday, August 4, 2010

BALIKBAYAN BOX

Pang apat na araw ko na ngayon mula nung bumalik ako dito sa lupa ng mga Emirati halos nasasanay na ako sa init ng panahon na tila nakakaagnas ng balat pag ikaw ay naglalakad ng matagal sa labas. Ramdam ko pa rin ang kalungkutan hanggang ngayon kahit binabaling ko ang aking atensyon sa ibang bagay tulad ng pag focus sa pagtatrabaho, magbutingting ng dreadlocks, magbilang buhangin at maghabol ng camel gaya ng sinabi ng ating sinusundang si Super Balentong. Ngunit ito ang buhay na pinili ko, ang makapagtrabaho sa ibang lugar para sa kinabukasan. Ang nararamdaman ko ngayon ay kasama lang sa naging desisyon ko kaya kailangan tatagan ang kalooban.

Pero kahit piliting mong hindi matablan ng kalungkutan kahit sinong magaling na tao kung may nararamdaman ay maaninag ito sa mukha at mga mata. At napakarami ring mga bagay at pangyayaring magudyok sayo para tamaan ka ng lungkot. Tulad nalang sa pangyayari ngayon hapon, masaya akong naglalakad sa kalsada papauwi sa tinutuluyang bahay. Masaya dala ng pinapakinggang mga tugtugin ng ating hinahangaang si Bob Marley, kulang na lang ay iindak ako sa bawat nota ng musikang reggae. At dahil sa sobrang init ay naisipan kong magpalamig muna sa City Center at magtingin tingin muna ng mga magaganda at seksing babae sale na laptop at telepono.

Habang naglalakad ako may naispatan akong grupo ng mga emirati na may dalang camera at mic. Naisip ko, syet! pagkakataon ko na tong maexpose ulit sa TV magiging artista na ako nito sisikat ako at pagkakaguluhan ng mga kakabaihan tulad ni Dingdong at ni Derek pero naisip ko putek niloloko ko lang sarili ko sa pinag-iisip ko. Pinagmamasdan ko lang ang grupo ng mga Emirati na yun habang kinukuhanan nila yung mga bagong laptop sa isang tindahan pero sinamantala ko na ang pagkakataon tutal naman nadoon na ako kunyari tumitingin rin ako sa mga paninda para pagpihit ng camera mahagip man lang. Pero nagkamali ako sa aking inaakala, nung lumagpas ang camera sakin nasilip ko yung monitor di papala nakarecord praktis palang pala yung ginagawa nila wala pang take. Minsan lang eh ayaw pa pagbigyan tsk!tsk!tsk! parang sinakloban ako ng mundo sa katotohanan na talagang di ako pang TV.

Pagdating ko sa bahay napanuod ko na naman yung bagong programang ipinalit sa Wowowee, si idol Robin na naman ang nandoon habang nagpapasikat sa kanya ang mga naggagandahan at nagseseksihang dilag. Nakaenjoy sila panuorin habang iniimagine kong mga kapatid ko sila at tinutulungan sa kanilang pag-aral. Nasira ang pag iimagine ko ng mga magandang bagay ng walang kamunduhan (promise wala talagang kamunduhan totoo yun iniisip ko mga kapatid ko lang sila)ng biglang may kumatok sa pintuan. Akala ko may nagpadeliver lang ng pagkain katulad ng kinakagawian. Lumabas ang kasama ko sa bahay sa kabilang kwarto at binuksan ang pinto. Nang nakabukas na ang pinto bumungad sakin ang Balikbayan Box ng isang kilalang courier yung may tagline na YARI ANG PADALA ba yun?. Dito na nagumpisang balutin ng kalungkutan ang naramdaman kong kasiyahan.

Biglang nagplay sa utak ko yung kanta Eraserheads na Balikbayan Box at palakas ng palakas ang kabog ng aking puso. Ang bigat sa pakiramdam habang pinagmamasdan ko ang box pero nagawa ko pa ring mapatawa ang sarili ng maisip ko yung linyang madalas kong binabanggit "KUNG KAYA LANG ILAGAY SA BOX ANG STRESS, SAMA NG LOOB AT HOMESICK TIYAK MAKAKAPUNO AKO NG LAGPAS LABINDALAWANG BOX". Gayunpaman nandoon pa rin ang kalungkutan lalo ng sumagi sa utak ko na kaarawan ngayon ni tatay. Pinangakuan ko kasi siya noon na bilhan ng mga pantalon at damit bago ako umuwi pero hindi ito natupad. Kilala ko si papa di naman makitid ang pag-iisip nya para magtampo ng dahil lang doon. Ngunit bilang isang isang anak nahahabag rin ako dahil sa pangako ko sa kanya kahit mga materyal na bagay lang iyon. May pruweba pa naman sa pangako kong yun kay tatay kaya lalo akong nahabag ng nakita ko ang binili kong box isang taon na ang nakaraan ngunit hanggang nayon hindi pa rin ito nakaassemble. Nakatatlong beses ng nagpabagahe ang mga kasama ko sa bahay nitong taon na to pero yung box ko nakatupi pa rin.

Alam kong matutuwa ang pamilya ko lalo na ang tatay ko pagnakatanggap ng pasalubong galing ibang bansa na galing sakin na sila mismo ang magbubukas ng ng Balikbayan Box. Pero mas matutuwa ang buong pamilya ko pag tinupad ko yung pakiusap nila sakin na magpakatino na sa buhay. Pagbabago sa aking sarili ang hinahangad ng buong pamilya ko sakin at hindi ang mga materyal na bagay.

Monday, August 2, 2010

MAHIRAP MAGPATAWA KAPAGMALUNGKOT, KAYA GAGAWA NALANG AKO NG PORN! - RA RIVERA

Alas singko ng hapon, labasan na sa trabaho mainit sa labas umabot hanggang 48 degrees. Ngunit pinilit ko pa ring maglakad pauwi ng bahay dahil mejo malapit lamang ang bahay na aking tinutuluyan sa kompanyang aking pinagtatrabahu-an mga labinglimang minutong lakaran. Ngunit sa tindi ng init nagmistulaakong isang lantang gulay at tipong taong ginahasa ng sampung demonyo, pawisan nangigitata at di mawari ang kalungkutan. Marahill na rin siguro sa kinasanayang klima sa Pilipinas na maulan nung ako'y lumisan kahit mejo maalinsangan ay kaya pang tiisin. Lumagpas sa tancha kong laminlimang minutong lakaran dahil ako'y nahapo at binagalan ko ang paglakad hanggang sa ako'y makarating sa tinutuluyang bahay.

Akma ko ng dukutin ang susi na nakalagay sa bulsa ng aking pantalon ng napansin kong hindi pala nakalock ang pintuan kaya binuksan ko agad ito at nagtungo sa kusina bukas ng ref at lumagok ng isang basong tubig, nagbuntong hininga muna at nagmuni-muni habang sinisilayan ang mga patak ng pawis sa aking mga braso. Mejo may kalamigan sa loob ng bahay kaya ramdam ko agad ang pananakit ng katawan. Dali dali akong pumasok sa kwarto at pinahinaan ang aircon sabay kuha ng tuwalya at pinunasan ang tagaktak ng pawis. Naghubad ng damit nagpunas ulit ng pawis sabay hinga ng malalim at buntong hininga ulit. Nalulungkot pa rin ako sa aking paglisan, yun pa rin nasa aking puso at isipan. Ngunit may biglang kumaluskos sa kabilang higaan at may mahinahung boses akong narinig na ang bungad ay "Uy mister manggagahasa at tirador ng kaning lamig ng 601 andito ka na pala?" Kamusta ang Pilipinas? Kamusta ang pamilya mo? Ok naman, balik ko sa kanya. Pero ang Inang Bayan naghihikahos pa rin at patuloy na iniumpisahan ang pinangakong pagbabago, dagdag ko. Tumayo sa higaan nya si kuya sabay tungo sa banyo at naligo dahil may pupuntahan pa raw sya. Papalabas palang sya ng pinto at biglang bigkas "naku pare may bago ka na namang prospect" sabay tawa. Nanahimik ulit ang kwarto nagtungo ako sa higaan ko at nag muni-muni at binalikan ang mga pangyayari nung mga nagdaang buwan. Biglang dumaloy ang mga luha sa aking mga mata at sumikip na anman ang dibdib,. Mga pagsisisi at panghinayang ang nasa isipan ko ng mga oras na yun hanggang sa makaidlip ako.

Naalimpungatan ako, Ay syet nakaidlip pala ako, wika ko sa sarili ko. madilim na ang buong bahay tinignan ko ang orasan. Alas sais nang gabi, nakaalis na si kuya at nagiwan ng papel na may sulat, "bossing kung nagugutom ka meron ng sinaing dun kumuha ka lang alam kong pagod ka. Aalis muna ako at ako naman ang magpapagod. Napangiti ako sa aking nabasa, bumangon ako sa higaan at nagtungo sa harapan ng TV pagka-on ko ang palabas ayung kapalit sa Wowowee. Saktong ang segment ay mga magaganda at seksing dilag ang mga nagpapasikat kay idol Robin. Hanep sa katawan ang mga contestants kartada dyes ang tatlo ngunit lutang na lutang ang kagandan nung pangalawa muka cya inosente. Mejo nagising ako sa aking napanuod ng biglang may kumatok sa pintuan ng kwarto, Tao po!, ang sambit. Boses ng babae, dali dali akong nagtungo sa higaan ko at kinuha ang tuwalya at binuksan ko ang pintuan. Ano po yun? tanong ko. Anjan ba si Kuya? sagot ng babae. Bago ka rito? dugtong nya. Ahh ate dati pa po ako rito nagbakasyon lang sagot ko sa kanya. May kadiliman kaya di ko gaanong naaninag ang kanyang mukha kaya binuksan ko ang ilaw at nakita kong nakasuot cya ng pantulog na sobrang maigsi mukang kagigising lang nya. Napalunok ako ng kuntik laway ng masilayan ko ang kanyang mga paa. Dahil patay ang kanyang mga kuko..

Ang titulo nito ay kinopya ko lang sa isang status update ni RA Rivera sa kanyang facebook at walang kinalaman sa inong nababasa. May maisulat lang mga kaibigan mga kathang isip lang.
Si RA Rivera ay isang batikang direktor na may likha ng Lupet TV sa Channel 5 sa Pilipinas kasama ang nagpipitagang Jun Sabayton at Lourd de Veyra. Si RA rin ay isang musikero at myembro ng bandang Pedicab.

Sunday, August 1, 2010

KAHAPON AUGUST 1 (HOMESICK BUONG MAGHAPON)

Nais kong iaparating ang aking paghanga at pagsaludo sa aking kapwa mga Overseas Filipino Workers (OFW) dahil sa kanilang tatag at tibay ng loob sa paglisan sa inang bayan at sa mga minamahal sa buhay para makikipagsapalaran sa ibang bansa. MABUHAY PO KAYONG LAHAT!

Unang tapak ko sa UAE noong 2008 at noon ko rin naranasan ang unang homesick, masikip sa dibdib walang gana kumain at laging lumilipad ang kaisipan. Laging naalala ang buhay na iniwan mga masasayang alaala sa mga minamahal sa buhay. Akala ko iyon na ang pinakamabigat na kalungkutan na mararanasan ko sa buhay at dun nagtagumpay si MALING AKALA. Lumipas ang mga segundo, ang mga minuto, oras, araw, linggo, buwan at taon. Buwan na lang ang bibilangin at malapit ko ng makamit ang inaasam na pagkikita namen ng aking pamilya. Ngunit napabilis lalo ito at di na nahintay ang takdang buwan na matapos ang aking kontrata sa isang nakakawindang na balita. Balitang tiyak magpapahina sa bawat taong narito sa mundong ibabaw lalo na at isa ito sa mga dahilan kung bakit nakikipagsapalaran ako sa ibang bayan. Isang mahal sa buhay ang lumisan na ni kailan man ay di ko na makikita at di na babalik. Umalis akong dala ang pangarap para sa aking mag-ina at mga kapatid ngunit umuwi akong luha, kalungkutan at malamig na katawan ng aking anak ang nadatnan. AIsang anak na nuon ay nasa sinapupunan pa nung ako umalis at lumaki siyang di ako kapiling. Di ko maranasang ang kargahin cya at marinig ang una nyang iyak at mamakita ang una nyang ngiti. Masakit ang pangyayari ngunit kailangan itong tanggapin at ituloy ang buhay ngunit kailanganin pa ng mahabang panahon upang ito ay tuluyang matanggap ng kalooban.

At ito ako ngayon bumalik at muling makikipagsapalaran sa ibang bayan dala ulit ang mga pangarap. Ngunit sa tuwing naiisip ko sila mama at papa at ang dalawa kong kapatid lalo na ang aking irog ay di ko mapigilang dumaloy ang mga luha sa aking mga mata. Totoo ngang mas masakit ang ikalawang pagkakataon ng pagalis kumpara nung una. Pero alam ko mas masakit ang maiwan kaysa sa mang iwan at yun ang di mawaglit sa aking isipan. Lagi kong naiisip ang mga mahal sa buhay, yung mga nararamdaman nila ngayon. Kahapon ang unang araw ko dito sa Gitnang Silang sa ikawalang pagkakataon, tila dinudurog ang aking puso sa tuwing maiisip kong pati ako ay di na kapiling ng aking pamilya kahit alam kong magkikita pa kami muli. Masakit sa kanila ang pagkawala ng aking anak at eto ako umalis rin di lang siguro doble at triple ang kalungkutang kanilang nararamdaman ngayon.